Lunes, Disyembre 6, 2021

Ang Aking Pag-ibig (How Do I Love Thee)


 Ang Aking Pag-ibig (How Do I Love Thee)
ni Elizabeth Barret Browning
Isinalin sa Filipino ni Alfonso O. Santiago


Ibig mong mabatid, ibig mong malaman
Kung paano kita pinakamamahal?
Tuturan kong lahat ang mga paraan,
Iisa-isahin, ikaw ang bumilang.

Iniibig kita nang buong taimtim,
Sa tayog at saklaw ay walang kahambing,
Lipad ng kaluluwang ibig na marating
Ang dulo ng hindi maubos-isipin.

Yaring pag-ibig ko’y katugon, kabagay
Ng kailangan mong kaliit-liitan,
Laging nakahandang pag-utus-utusan,
Maging sa liwanag, maging sa karimlan.

Kasinlaya ito ng mga lalaking
Dahil sa katwira’y hindi paaapi,
Kasingwagas ito ng mga bayaning
Marunong umingos sa mga papuri.

Pag-ibig ko’y isang matinding damdamin,
Tulad ng lumbay kong di makayang bathin
Noong ako’y isang musmos pa sa turing
Na ang pananalig ay di masusupil.

Yaring pag-ibig ko, ang nakakabagay
Ay ang pag-ibig ko sa maraming banal,
Na nang mangawala ay parang nanamlay
Sa pagkabigo ko at panghihinayang.

Yaring pag-ibig ko ay siyang lahat na,
Ngiti, luha, buhay at aking hininga!
At kung sa Diyos naman na ipagtalaga

Malibing ma’y lalong iibigin kita.

Mga Gabay na tanong:
1. Kanino inaalay o ipinararating ni Elizabeth Browning ang kanyang tula? 
2. Ipaliwanag kung bakit “Ang Aking Pag-ibig” ang pamagat ng tula.
3. Makatotohanan ba ang damdamin na isinasaad ng may-akda sa tula? Pangatwiranan.
4. Ano ang iyong sariling pananaw ukol sa pag-ibig na makikita sa tulang tinatakay?
5. Ano ang mensaheng nais ipaabot ng may-akda ng tulang “Ang Aking Pag-ibig” sa mga mambabasa?

Ang Aking Pag-ibig (How Do I Love Thee)

 Ang Aking Pag-ibig (How Do I Love Thee) ni Elizabeth Barret Browning Isinalin sa Filipino ni Alfonso O. Santiago Ibig mong mabatid, ibig mo...