Ang Aking Pag-ibig (How Do I Love Thee)
ni Elizabeth Barret Browning
Isinalin sa Filipino ni Alfonso O. Santiago
Ibig mong mabatid, ibig mong malaman
Kung paano kita pinakamamahal?
Tuturan kong lahat ang mga paraan,
Iisa-isahin, ikaw ang bumilang.
Iniibig kita nang buong taimtim,
Sa tayog at saklaw ay walang kahambing,
Lipad ng kaluluwang ibig na marating
Ang dulo ng hindi maubos-isipin.
Yaring pag-ibig ko’y katugon, kabagay
Ng kailangan mong kaliit-liitan,
Laging nakahandang pag-utus-utusan,
Maging sa liwanag, maging sa karimlan.
Kasinlaya ito ng mga lalaking
Dahil sa katwira’y hindi paaapi,
Kasingwagas ito ng mga bayaning
Marunong umingos sa mga papuri.
Pag-ibig ko’y isang matinding damdamin,
Tulad ng lumbay kong di makayang bathin
Noong ako’y isang musmos pa sa turing
Na ang pananalig ay di masusupil.
Yaring pag-ibig ko, ang nakakabagay
Ay ang pag-ibig ko sa maraming banal,
Na nang mangawala ay parang nanamlay
Sa pagkabigo ko at panghihinayang.
Yaring pag-ibig ko ay siyang lahat na,
Ngiti, luha, buhay at aking hininga!
At kung sa Diyos naman na ipagtalaga
Malibing ma’y lalong iibigin kita.
Mga Gabay na tanong:
1. Kanino inaalay o ipinararating ni Elizabeth Browning ang kanyang tula?
2. Ipaliwanag kung bakit “Ang Aking Pag-ibig” ang pamagat ng tula.
3. Makatotohanan ba ang damdamin na isinasaad ng may-akda sa tula? Pangatwiranan.
4. Ano ang iyong sariling pananaw ukol sa pag-ibig na makikita sa tulang tinatakay?
5. Ano ang mensaheng nais ipaabot ng may-akda ng tulang “Ang Aking Pag-ibig” sa mga mambabasa?
1. Sa kanyang asawa.
TumugonBurahin2. Dahil ito ay tungkol at para sa kanyang asawa na mahal na mahal niya.
3. OO, dahil para sa akin, hindi ka makakabuo ng isang tula o letter para sa isang tao kung hindi totoo at peke ang nararamdaman mo para dito.
4. Maayos lang at dama ko sa bawat salita ang pagmamahal ni elizabeth sa kanyang asawa.
5. Tungkol sa pagmamahal. Kung ano ang nararamdaman niya sa kanyang asawa at pakiramdam ng magmahal.